Buhay Laykong Misyonero

Facebook
Twitter

Ang pagiging isang laykong misyonero ay pagsasabuhay sa  tawag ng Panginoong Hesus para maglinkod. Ito ay hindi madali. Ang pag-aalay ng sarili ay ang mamuhay  kasama ang mga  taong di mo kakilala at di mo kaanu-ano. Parang  isang rosaryo na puno ng iba’t ibang  misteryo, isang mahaba at patuloy na proseso ng pakikipamuhay at paghubog ng sambayanan at ng  sarili. Sa pamamagitan ng sama-samang  pagdarasal at pag-aaral tungkol sa Salita ng Diyos, nahuhubug ang kamalayan at pananampalataya ng mga tao sa sambayanan.

Bilang kalakbay ako rin ay patuloy na natututo at nahuhubog sa pakikipag-ugnay at pakikipamuhay sa kanila. Nandiyan ang minsan ay madismaya ako sa mga tao o sa isang lider sa komunidad dahil nakikita at nararamdaman ko na parang wala lang sa kanila ang aking ginagawa. Kapag dumating ang mga sadaling tulad nito, minabuti kong lumapit sa Panginoon at manalangin ng taimtim at mag balik- tanaw sa mga nagdaang araw. Napagtanto ko na itong pagka dismaya ay natural na maramdaman ko bilang tao. At kasama ito sa proseso ng sa pag-bubuo ng BEC. Ang pagkawala ng ibang grupo ay nagdulot din ng pagkadismaya. At ang karanasang ito ang nagbigay daan upang  lumalawak pa ang aking pananaw at kaalaman na ito ay bahagi ng buhay bilang kalakbay sa pagbubuo ng sambayanan. Sa pagdaan ng panahon, naunawaan ko kung ano ang dapat kung gawin sa abot lang ng aking makakaya dahil higit sa lahat ang Espiritu Santo ay nandyan lagi at siya ang gabay na laging  nauuna pa sa lugar na aking pupuntahan.

Ang BEC ay isang makabagong paraan ng pagiging simbahhan. Subali’t marami pa rin sa ating kaparian ang hindi kumbinsido sa pamamaraan na ito. Siguro dahil mahabang panahon ang kailangan bago makita ang bunga ng pag-aaral at pag-huhubog ng isang sambayanan. Siguro dahil may mga  barangay na mahirap mahikayat dahil sa mga nakasanayan na gawain. May mga bagay na mahirap ipaliwanag dahil sa pamamagitan lang ng pakikipamuhay at pakikipag-ugnay sa mga tao sa sambayanan maranasan ang  mahubog kasama sa pamayanan ng mananampalataya. Ang bawat pamayanan ay may sariling kasaysayan, kwento at kultura. Kaya magandang hayaan na lang na ang karanasan ang magpatotoo sa pagbabago ng  kanilang pamumuhay-kristyano. Sa gitna ng mga pagsubok na ito naging mahalaga sa akin na palaguin at palalimin pa ang aking pananampalataya. At ito ay  patuloy na maibabahagi  ko sa mga kalakbay sa sambayanan..

Sa loob ng dalawang taon ko dito,  nakita, nalaman at nararamdaman ko na sa lahat ng pinagdaanan kong hirap, sakit at lungkot ay hindi  pala ako nag-iisa. Kahit malayo ako sa tunay kong  pamilya, nandiyan sila, ang mga kalakbay ko sa aking tabi, sila ang aking kapatid, sa mukha ng mga bata, sa mukha ng mga kabataan, nakikita ko ang aking pamilya. Sa mga pakakamali na aking nagawa nandoon sila patuloy akong sinasamahan, patuloy akong pinapaalalahanan. Ramdam ko ang pagmamahal nila.  Hindi ko kailangan maging magaling sa kanilang harapan at naging natural lang ang  mahalin ko sila. Ang sambayanan ay naging kapamilya ko kay Kristo

Sa pagtatapos ng unang dalawang taon ko dito, nakita ko na ito ay  puno ng hirap, sakit at lungkot pero puno din ng kasihayan at pagmamahal. Ganyan ang buhay pagsunod kay Kristo. Bilang isang laykong misyonero, bilang isang BEC organizer ako’y naniniwala na “Ang pagbubuo ng BEC sa mga sambayanan ay isang paglalakbay tungo sa makabagong paraan ng pagiging isang simbahan. Sambayanang Kristiyano na nagkakaisa sa pananampalataya at pagmamahal kay Kristo, mga sambayanang nagkakaisa bilang isang simbahan na itinatag ni Kristo at si Kristo mismo ang sentro, sambayanang nagmamahalan at may malasakit sa isa’t isa at sa kapwa sambayanan.- nikki largoza12/28/18

SUPPORT US

HELP SUPPORT OUR LAY MISSIONARIES AND ALL OUR MISSIONARY ENDEAVORS BY SENDING YOUR DONATIONS TO OUR BANK ACCOUNT

Bank of the Philippine Island (BPI) 
Peso Current Account # 0211-0307-71
Dollar (USA) Savings Account # 0214-0106-07

Copyright 2019 Philippine Catholic Lay Mission
Powered by: iManila